Thursday, June 23, 2016
Saturday, June 4, 2016
Ang Diwata at ang Bata
Galing ito dito. #FacebookPost
::: "Noong unang panahon, may diwatang nakatira sa isang puno na malapit sa ilog. Malungkot ang diwata kasi wala siyang kalaro. Araw-araw, mag-isa lang siyang nagtatampisaw sa ilog o kaya naman ay umuupo sa sanga ng punong tinitirhan niya at nakikinig sa huni ng mga ibon. Sa tagal ng panahon na wala siyang nakakasama, nasanay na sa pag-iisa ang diwata.
Isang araw, may kakaibang ingay na narinig ang diwata. Boses ng isang bata! Naliligo ang bata sa ilog, malapit lang sa kung saan nakatira ang diwata. Nilapitan ito ng diwata at niyayang maglaro. Pumayag naman ang bata.
Buong araw na naglaro ang bata at ang diwata. Nang magsimula nang dumilim, nagpaalam na ang bata sa diwata. Kailangan niya na raw umuwi kasi baka hinahanap na siya ng mama at papa niya.
Nalungkot ang diwata. Nakiusap siya sa bata na huwag na umalis kasi wala na siyang makakalaro.
"Babalik naman ako, diwata," sabi ng bata. "Pangako, maglalaro tayo ulit."
Dahil sa pangako ng bata, hinayaan na niya itong umuwi na muna. Kinabukasan, maagang nagising ang diwata para hintayin ang bata. Sumapit ang hapon, pati ang muling pagdilim ng paligid, ngunit hindi dumating ang bata. Ganito rin ang nangyari noong sumunod na araw. Ilang araw din ang lumipas. Sa bawat araw na nagdaan, matiyagang naghintay ang diwata sa tabi ng ilog.
Isang araw, habang nakaupo ang diwata sa nakagawian niyang lugar kung saan niya hinihintay ang bata, may narinig siyang pamilyar na boses na tumatawag sa kanya.
"Diwata! Diwata!"
Hinanap ng diwata ang pinanggagalingan ng boses. Wala siyang ibang nakitang tao sa paligid, maliban sa isang matandang maputi ang buhok, kulubot ang balat, at uugod-ugod.
"Diwata! Diwata!" tawag ng matanda.
Nagpakita ang diwata sa matanda.
"Sino ka?" tanong ng diwata.
"Diwata! Hindi mo ba ako naaalala? Ako yung nakalaro mo dito sa ilog."
"Hindi, bata ang nakalaro ko. Matanda ka na."
"Ako ang batang yun, diwata. Maraming taon na kasi ang lumipas, kaya tumanda na ako."
"Kung ikaw nga yun, bakit ngayon ka lang bumalik? Matagal kitang hinintay. Araw-araw kitang inabangan dito sa tabi ng ilog."
"Patawarin mo ako, diwata. Nung gabing umuwi ako pagkatapos nating maglaro, nagkasakit ako nang malubha. Agad-agad akong dinala ng mama at papa ko sa lungsod para ipagamot. Ilang araw din akong nakaratay sa ospital. Pagkatapos..."
"Pagkatapos..."
*Mamoy, bakit ka uuwi?*
Nag-aayos na ako ng gamit, humirit si Denden na kuwentuhan ko raw muna siya. Tungkol daw sa diwata. Ayun, impromptu imbento ng kuwento. Madalas naman, puro kuwela at kalokohan lang ang mga kuwento ko, kanina ko pa talaga naisipang magkuwento nang madrama. Doon pa lang sa pagkikita ng matanda at diwata, garalgal na boses ko. Kaya nung tinanong niya ako kung bakit ako uuwi, pabagsak na ang mga luha ko.
"Hahanapin kasi ako ni Nanay, Den."
"Eh, wala na akong makakalaro," sabi niya na namumuo na rin ang mga luha.
Ayun, wala na akong nasagot. Sabi ko na lang, punta muna ako sa CR. Di ko na sasabihin kung anong ginawa ko sa banyo. Mabuti naman at paglabas ko, nakausap na ni Auntie si Denden. Hindi na masama ang loob. Ihahatid daw nila ako sa kanto.
Maya-maya pa, parehas na kaming tumatawa habang naglalakad, tuloy-tuloy hanggang makasakay ako ng taxi, baon ang kanyang flying kiss at "Ingat, Mamoy! Aylabyu, Mamoy!"
Subscribe to:
Posts (Atom)