Kaya
kong magkuwento tungkol sa simula
Noong
manipis na foam lang ang pagitan ng sahig at mga likod natin
Dahil
minimum wage lang ang kinikita mo bilang
Saleslady
sa isa sa libo libong tindahan ni Henry Sy
At
pa-raket-raket lang ako bilang tutor sa mga anak-mayaman ng Iloilo.
Kaya
kong punuin ang magdamag ng mga sugilanon ng pagtitiis
Mo sa
pagkain ng sardinas dahil ito ang paborito ko,
At ng
paggising mo sa madaling araw upang ipag-igib ako ng tubig
Mula sa
poso, ipag-init ng pampaligo’t pang-kape
Ipagluto
ng baon at ipagplantsa ng palda at blusa noong, sa wakas,
Ay
natanggap ako bilang guro sa pribadong eskwelahan na laging sanhi
Ng
trapik sa General Luna. Marami tayong mga kuwentong
Kagaya
nito, at pwedeng parisan ng metapora ang bawat alaala, ngunit
Hindi
muna ako magtutula hangga’t mahal pa kita.
Maaari
kong awitin ang mga napagkasunduan nating
Maging
theme song noong mga panahong ginagabi tayo
Sa
pagtatrabaho nang parehong walang overtime pay:
Sana’y Wala
Nang Wakas dahil Sharonian ako, at Head Over Feet
Dahil
adik ka kay Alanis kahit hindi mo makabisa ang spelling ng apelyido niya,
Kagaya
ng palagi mong paglimot sa petsa ng birthday ko.
Maaari
kong awitin ang mga naka-loop sa playlist ko
Noong paulit-ulit
mo akong sinuyo para lamang muling iwanan,
Na para
bang paulit-ulit mo akong gin-endo para pag-aplayin
Sa
parehong posisyon sa trabaho. Iba’t ibang himig at titik
Ang kaya
kong ilapat sa aking pag-iyak, hagulgol, at pagngawa
Sa
tuwing pinili mo akong saktan, at aking sasabayan ang ritmo
Ng bawat
isa hanggang marindi ka sa sintunado kong pagkanta, ngunit
Hindi
muna ako magtutula hangga’t mahal pa kita.
Papayag
akong magsayaw kahit pa nga walang tugtog
Basta’t
maiyugyog ko lang ang katawan kong pagod na pagod na
Sa
pagluhod at pagsusumamo sa mga novena ko kay St. Jude
Dahil
ayoko nang umasang magtitino ka pa, kagaya ng
Hindi ko
na pag-asang mareregular pa ako o tataas ang sweldo.
Papayag
akong magsayaw, umindak, at maglupasay
Bilang
tanda ng pagbitaw sa nag-uumapaw na poot at galit
Na dala
ng panghihinayang sa labintatlong taong sinayang
Nating
dalawa. Hahataw sa galaw ang aking mga paa ngunit
Hindi
muna ako magtutula hangga’t mahal pa kita.
Dahil
hangga’t may natitira pang katiting na pag-ibig sa kasingkasing
Ay hindi
magiging sapat ang ritmo o tugma, walang saysay
Ang mga
metapora. Ang bawat salita ay mananatiling kabalintunaan
Ng
kabiguan nitong aking akda kaya’t ipagpaumanhin mo sana kung
Hindi muna ako magtutula
hangga’t mahal pa kita.---
Isinulat noong Hulyo 2016. Unang binasa sa Basahay Binalaybay sa Yupihay noong Agosto 2016. Muling binasa sa Poetika noong Agosto at Oktubre, at sa Iloilo Taboan noong Oktubre 2016.
Gin-publish ng Dagmay dito.