Obvious ito, pero kailangan pa rin palang sabihin.
Lahat nang babae, oras na mamulat sa pagkababae, ay makararanas ng panghahalay/pananamantala/ pangmamanyak. LAHAT.
(Sa mga lalaking ayaw maniwala / hindi makapaniwala, tanungin niyo ang misis/girlfriend/lahat nang babaeng kakilala.)
Karga-karga namin ito -- itong pagkamuhi sa sarili, itong takot sa mga lalaki, itong pagkainis sa kapwa babaeng hindi rin makapagsalita dahil kagaya namin ay namumuhi sa sarili o natatakot din sa lalaki -- buong buhay namin.
Kung sa puntong ito'y ang nasasabi mo sa sarili ay "Bakit hindi magreklamo sa kinauukulan kung talagang namanyak o nagahasa?", isa sa dalawang bagay ang totoo sa iyo: lalaki ka o babaeng pilit na kinalimutan ang kinamulatang danas ng pananamantala (sa kung ano mang lebel).
Kapag babae ka kasi, patutunayan mo munang hindi mo ginustong pagsamantalahan. Hindi ba't kay Eba sinisisi ang pag-akit kay Adan?
Bakit ka kasi nakipag-inuman?
Bakit sa madilim ka dumaan?
Ano ba kasi ang suot mo?
Nagpakita ka ba ng motibo?
Bakit ka sumama?
Bakit hindi ka sumigaw o nagpumiglas?
Sigurado ka ba, e di ba't lasing ka?
Bakit ngayon ka lang nagreklamo?
At sa bawat balitang ganito ang nangyayari at naririnig, ito ang tanong ko sa mga babae: Ilang beses mo nang nasabi sa sariling, "Mabuti na lang at hindi ako nagreklamo."
Dahil mas madaling isipin ito, mas magaan sa konsensya kaysa, "Kung nagreklamo sana ako'y wala na siyang nabiktimang iba."
Lalo pa't kung ang panghuhusga ay sa kapwa babae pa nanggagaling.
Paalala sa mga ama, ina, tito, tita, lolo, lola, mam, at ser, hindi solusyon na marunong lang lumaban ang kababaihan.
Turuan din nating lumaking maayos ang mga anak nating lalaki. Turuan natin silang umintindi at tumanggap ng pagtanggi.
Dahil ito lang ang totoo: WALANG REYP KUNG WALANG REYPIST.
Matagal din akong naniwalang mapalad ako at sa panahong ito ako ipinanganak na babae. Hindi rin pala. Ngayon, naiintindihan ko na kung bakit mas madaling sabihing "wala akong maalala." Ang sakit-sakit palang mahalay nang paulit-ulit kapag mulat ka.
No comments:
Post a Comment