Kung noon ay nagtatago itong mga nagpro-protesta, bawal magpa-kodak for security reasons, aba’y sa panahon ngayon, paramihan ng selfie at papiktyur ang nangyayari sa tuwing may mobilization hanggang mayroong makuhang Instagram-worthy o pang-profile picture ang mga nagbibitbit ng placards at sumisigaw sa kalye.
Kahapon nga, sa sinalihan kong kilos-protesta na kasabay ng SONA ni Duterte ay bukod pa sa mga official photographers, mansig-mansig rin ang mga naroon sa pagkuha ng kodak. Buong araw-na punong-puno ng mga SONA-related na litrato ang Twitter, Facebook, at Instagram feeds ko.
Biro ko nga, hindi na natin pinahirapan ang mga intel. Tayo na mismo ang nag-a-out sa ating mga sarili bilang aktibista. Pero mantakin mo yun, may mga kapalpakan pa rin sila sa pag-identify kung sino talaga ang kasali sa armed movement (malamang wala sila sa rally, at naroon sa mga kuta nila, di ba? Keep up naman, intels!)
Pero bukod nga sa mga litratong makaka-paint ng a thousand words, buhay na buhay rin ang gahum ng salita sa panahon ng pandemya.
Araw-araw ay may mga essay ng mga hinaing sa Facebook, at may mga one-liner na patutsada sa Twitter ang mga tao hinggil sa mga kapalpakang dinanas natin sa kamay ng gobyernong militar ang binigyan ng kapangyarihang umaksyon sa isang medikal na suliranin.
Mga halimbawa ito ng emerging literature na sinabi ni Noel sa kanyang panayam.
Bukod pa rito ay mayroon ding nagsulat ng mga tula, flash fiction, maikling kuwento, komiks, at iba pa sa panahon nitong pandemya.
II. Sa unang installment ng Panaghoy sa Pandemya ay tinanong ko si John Barrios kung may mga manunulat din bang nagsusulat ng tula o something creative na nagadayaw sa gobyerno ngayon. Meron daw, kag i-search ang “tula duterte.” So sinubukan ko nga at aba, may mga lumabas nga sa Facebook! Pero wait, ang sabi kasi ng pumanaw na Leoncio Deriada, there is no such thing as bad poetry. By definition, a poem must be beautiful. So nung naghahanap na ako ng tula doon sa results ng search, eh wala talaga akong makita. Siguro ay dapat ko pang ayusin ang keywords na gagamitin ko sa pagsearch.
III. Kahapon ay nakisabay ako kay Noel sa pagpunta sa rally. Tropa niya yung parking attendant na malapit sa pinagdausan ng programa. Noong binalikan namin ang sasakyan niya pagkatapos ng martsa ay tinanong siya ng parking attendant kung sumama ba siya sa rally. “Oo,” sagot ni Noel, at tinanong yung parking attendant. “Bakit hindi ka sumama?”
Ang sagot ni Ate, “Sin-o di bi sir ang mabantay kon nag-upod ko?” [Sino po ang magbabantay kung sumama ako??]
Oo nga naman. Kahit pa inis na inis na ang mga tao sa sitwasyon ngayon, mas uunahin ng marami ang pag-solve sa problema ng pagkalam ng sikmura.
Kaya’t sa parehong paraan ng pagsusuri natin kung sino-sino ang mga nasa kilos protesta, sino-sino ang wala rito? Similarly, sa panahon ng pakikibaka sa gitna ng pandemya, maari ring suriin ang mga hindi nasusulat. Napakahalaga ng mga salitang piniling burahin ng mga manunulat.
Ang sabi ni Noel ay maituturing raw na bahagi ng pandemic literature ang lahat nang mga nagsilabasang panulat ngayong pandemya kahit wala pa itong direktang kinalaman sa COVID 19.
Dahil nga dati pa namang maboka ang mga manunulat sa social media, bukod sa pagbusisi kung tungkol saan ba ang mga isinulat nila nitong nakaraang buwan, tingnan rin natin ang mga iniwasan nilang themes at topics.
IV. Ngayon ay babalikan ko lang ang sabi ni Ferdie. Sabi niya, “Ang manlilikha ay kinatawan ng mga hindi makapagsalita.”
May kaunti lang akong susog dito. Sa tingin ko’y may mas mahalaga tayong papel bukod sa maging kinatawan ng mga hindi makapagsalita. Dapat ay maging susi rin ang manunulat upang matuto silang umangkin ng gahum ng pulong.
Kahit na anong galing na manunulat pa ni Noel, mas epektibo pa ring tagapahayag ng saloobin at reklamo ng isang parking attendant si Ateng Parking Attendant. Siguro isang hamon sa ating mga manunulat ito. Paano natin maeempower si Ate na at iba pang katulad niya na ipahayag ang kanyang mga saloobin?
Speaking of Ate, naging interesante sa akin ang statistics na pinakita ni Noel tungkol sa mga contributors ng zine series ng Kasingkasing Press. Mabibilang pa rin sa kamay ang dami ng mga babaeng kontribyutor.
Share ko lang. Nakatira ako kasama ng aking nanay at kapatid sa aming bahay. Noong nagsimula ang lockdown ay sa bahay na rin namin tumira ang aking miga o kasintahan. Patuloy silang pumasok sa opisina ng kapatid ko kaya’t kami lang ng nanay ko ang naiiwan sa bahay. Kung dati’y buhay boarder akong umuuwi lamang sa bahay para matulog at maligo, dahil sa lockdown ay 24/7 na akong team Bahay.
Dahil dito ay ako na ang naging in-charge sa pagluluto, pamamalengke, pag-aayos ng bahay, etcetera, etcetera. Kung kilala niyo ako, malamang ay hindi kayo maniniwala. Kahit nga ako ay shookt din na ang laman ng isip ko buong araw ay kung ano ang ilulutong ulam, at kailan dapat palitan ang bed sheets.
Hindi rin naman natigil ang trabaho ko bilang guro at presidente ng Unyon kaya’t ginampanan ko ang mga gawaing bahay sa gitna ng pagrevise ng syllabus, online meetings, pagsusulat ng mga statement, pag-attend at pag-organisa ng webinars, at kung ano-ano pa.
Minsan, ay gabi na natapos ang webinar na inorganisa ko. Tanghali pa lang ay nag-umpisa na ito kaya’y wala akong naging time sa pagdefrost at pagmarinate ng dapat ay ulam namin sa hapunan. Ang ending, tumawag ako sa FoodPanda at umorder ng pagkain. Jusko, grabe ang guilt na naramdaman ko dahil hindi home-cooked ang ipapakain ko sa pamilya ko, samantalang ganito naman talaga ang kinakain ko sa ilang dekada ko nang pamumuhay.
Nangyari ulit ito kahapon. Sirom na nang dumating ako sa bahay, galing sa rally. Dumaan na lamang ako sa patahan ni Tay Andres para bumili ng kansi. Pagdating sa bahay ay nagtig-ang ako at nagprito ng bangus lumpia pang-partner sa kansi.
Madaling araw kanina nang sinusulat ko ang papel na ito. In a few minutes kasi ay madigamo naman ako para sa almusal.
Kaya’t kung may gagawin mang Focus Group Discussion si Noel tungkol sa mga dahilan kung bakit kakaunti ang mga babaeng manunulat na contributor sa kanyang zine series ay willing akong maging bahagi nito. Ang dami kong gustong sabihin.
Marahil ay ganito ang laman ng panulat ng mga babaeng manunulat na nanay at asawa, o homemaker sa panahon ng pandemya, kung may time man silang magsulat. Ilan ba dito sa atin ang atat nang matapos ang webinar na ito dahil maghahanda pa ng hapag kainan at mag-iinit ng ulam na niluto in advance? Interesado ba sa mga ganitong kuwento ang mga lalaking editor ng mga magasin at literary folio?
Wala naman kasing explicit “oppression” o “physical violence” na typical na nangyayari sa masalimuot na panahon, pero hindi ba’t violence din itong maituturing? Hindi ba’t violence din ang hindi pagbigay ng karampatang pagkakataon para makapagsalita ang mga babae? Hindi ba violence din yung hindi mabigyan ng pagkakataong makapagsalita ang mga walang access sa social media, ang mga hindi naman techie, yung mga hindi maka-download ng zoom, pati ang mga walang pambili ng load?
V. Pagkatapos ng rally kahapon ay tinanong ako ni Noel. Hindi ba’t manunulat naman tayo, at ang lugar natin sa pakikibaka ay sa pag-aakda? Tama naman ito. Pero sa tingin ko, bukod sa pagiging manunulat, tayo rin ay bahagi ng masa. Ang pagiging gitnang-uri natin ay isang fantasya. Nakakaangat lang tayo ng kaunti sa mga legit na isang kahig, isang tuka pero hindi maikakailang maging tayo ay dukha rin. At dahil dito ay maituturing rin tayong bahagi ng masa. Kaya’t hindi lang siguro paglilikha ang papel natin bilang manunulat.
Higit pa rito, hindi lang rin dapat para sa ating sariling konsumo ang mga naisusulat natin. Mas palaganapin pa natin ang zines. Mas palawakin natin ang mga naaabot ng mga alternatibong akda. Mas bigyan natin ng boses, at palakasin pa, yung mga may sariling danas upang sila mismo ang magpaabot nito sa atin. Huwag na natin silang sapawan. Suportahan natin ang mga patuloy na nagsasalita. Makinig tayo sa mga nananaghoy. Makialam naman tayo. Huwag na tayong matakot. Maraming dapat sabihin, kaya magsalita na tayo.
(Binasa bilang reactor sa Panaghoy sa Pandemya: Digital Zines and Alternative Readings webinar series ng Division of Humanities, UP Visayas, July 28)
No comments:
Post a Comment