18 October 2009
Paano mo sasabihin sa isang taong mahal mo siya?
Paano mo maihahayag ang iyong damdamin
gayong alam mong may iba nang laman ang puso niya,
at sa iyong pagtingin nama’y mayroon ding ibang umaasa?
Paano ko sasabihin sa yong mahal kita?
Paano ko lalapatan ng salita ang mga kilos kong
hindi magawang magkunwari tungkol sa nararamdaman ko sayo?
Paano ko ipapaliwanag kung bakit sinabi kong
lubos ang kaligayahang naibibigay mo
sa bawat araw na dumaraan sa buhay ko?
Ikaw na una kong naiisip sa paggising
at ang huli kong naaalala sa pagtulog.
Ikaw na ninanais na makita bawat umaga
at makapiling bawat gabi.
Ikaw na lagi na lamang naaalala
sa bawat awit na naririnig at sa bawat tulang nababasa.
Ikaw na wala akong nais idulot kundi kasiyahan
at walang nais hingin kundi pang-unawa,
pang-unawa sa hirap na maaaring naidulot sayo
ng aking nararamdaman.
Sa bawat ngiti mo’y sumisigla ang aking diwa.
Sa bawat pagdampi ng iyong kamay sa aking pisngi’y
nawawala ang aking pangamba.
Sa bawat pagyapos mo’y
napapawi ang lahat ng takot at pag-aalinlangan
at napapalitan ng kaligayahang walang mapagsidlan,
nangangarap na ako’y hindi mo na bibitiwan kailanman.
Ilang liham ba ang dapat kong isulat
para masabi sa yo ang nararamdaman ko?
Ilang kanta ba ang dapat awitin
upang marinig mo ang himig ng aking puso?
Ilang beses ba kitang dapat ihatid at sunduin
bago mo lubusang maintindihang
ikaw ang nais kong kapiling sa bawat sandali?
Paano ko sasabihin sayong mahal kita?
Paano ko maihahayag ang aking damdamin
gayong alam kong may iba nang laman ang puso mo,
at sa aking pagtingin nama’y mayroon ding ibang umaasa?
***
18 October 2009
Paano mo sasabihin sa isang taong mahal mo rin siya?
Paano mo maihahayag ang iyong damdamin
gayong akala niya’y ang puso mo’y may laman nang iba,
at sa kanyang pagtingin nama’y mayroon ding ibang umaasa?
Paano ko sasabihin sa yong mahal din kita?
Paano ko tatapatan ang mga kilos mong
pilit mo mang ikubli ay di mo magawa?
Paano ko ipapaliwanag na naiintindihan ko
kung bakit lubos ang kaligayahang naibibigay ko sa yo
dahil iyon din ang sa aki’y dulot mo?
Ikaw na unang bumabati sa aking paggising
at huling nagpapaalala bago matulog.
Ikaw na nais kong makapiling sa bawat umaga
at makita bawat gabi.
Ikaw na lagi na lamang naiisip
sa bawat awit na naririnig at sa bawat tulang nababasa.
Ikaw na walang naidulot sa akin kundi kasiyahan
at walang naibigay kundi pang-unawa,
pang-unawa sa hirap na naidulot sa yo ng iyong nararamdaman.
Ang bawat ngiti ko’y hatid ng iyong pag-aalala.
Ang bawat pagdampi ng aking kamay sa iyong pisngi’y
nagnanais na tanggalin ang iyong pangamba.
Ang bawat pagyapos ko sa iyo’y
naglalayon na pawiin ang lahat ng iyong takot at pag-aalinlangan,
nais iparamdam sa yo ang kaligayahang aking nararamdaman,
nangangarap na kita’y di na bibitawan kailanman.
Sa unang liham mo pa lamang
ay batid ko na ang nararamdaman mo.
Sa unang awitin mo pa lamang
ay narinig ko na ang himig ng yong puso.
Sa unang paghatid at pagsundo mo’y nais ko nang sabihin
na ikaw lang din ang gusto kong kapiling sa bawat sandali.
Paano ko sasabihin sa yong mahal din kita?
Paano ko maihahayag ang aking damdamin
gayong akala mo’y may iba nang laman ang puso ko,
at sa iyong pagtingin nama’y mayroon ding ibang umaasa?
***
No comments:
Post a Comment