Hindi na naman siya makatulog. Isang buong lingo na siyang inaabot ng madaling araw bago tuluyang dalawin ng antok. Samu’t saring bagay ang gumugulo sa kanyang isip --- sa kanyang buong pagkatao. Balot sa nakabibinging katahimikan ang paligid. Makalipas ang ilang sandaling pagtila ng ulan, tumigil na rin sa wakas ang mga palakang kani-kanina lamang ay tila nagkokonsyerto sa labas. Malamang ay napagod na rin sa pagkokokak sa kalaliman ng gabi.
Sa kabila ng kadiliman ay kanyang naaninag ang selepono at dagli itong kinuha. Nang ito’y kanyang buksan ay tila binaha ng liwanag ang kanyang munting silid.
“Mam, salamat sa singko. Titigil na ako sa pag-aaral. Tanggal sa DOST.”
Makailang beses na rin niyang nabasa ang mensaheng iyon na hindi niya magawang burahin. Pero sa bawat pagbabasa’y naroroon pa rin ang kirot, ang panandaliang pagkakakunsensya. Sariwa pa sa kanyang isipan ang isinagot niya sa mensaheng iyon.
“Wag mo akong pasalamatan. Ikaw ang may gawa ng grado mo. Taga-lista lang ako’t taga-kalkula.”
Wala nang isinagot ang nagpadala ng mensahe. Iyon ang unang taon niya sa pagtuturo at ilan ding estudyante ang nabigyan niya ng singko sa semestreng iyon. May hinala siya kung kanino galing ang mensahe pero hindi siya sigurado. At pinili niyang huwag nang alamin pa.
“Walang guro na nasisiyahan sa pagbigay ng isang bagsak na grado sa kanyang estudyante. Kalimitan pa nga’y nanghihinayang at nalulungkot ang may ari ng kamay na hawak ay pulang bolpen sa pagsulat ng marka sa gradesheet. Minsan din kaming naging estudyante. Hindi rin minsan nang bumagsak.”
Ito ang sinabi sa kanya ng kanyang professor nung minsan siyang nakapagbitaw ng mararahas na salita patungkol dito. Binagsak siya ng professor niya. Nang mga sandaling iyo’y halos isumpa niya ito. Buong magdamag siyang pinagalitan ng kanyang nanay. Ilang beses siyang pinagbantaan ng kanyang tatay na patitigilin sa pag-aaral at iuuwi sa probinsya kapag naulit pa ang markang bagsak.
At ngayon nga’y bumaliktad ang sitwasyon. Siya na ngayon ang namamagsak. Siya na ngayon ang kinamumuhian.
Maya-maya’y namatay na ang dilaw na ilaw na galing sa kanyang selepono. Ngunit sa kanyang isipa’y naaaninag niya pa rin ang mensaheng sanhi ng kanyang pagkakapuyat. Pinaandar niya ang maliit na bentilador sa kanyang tabi at noon din ay nahagip ng kanyang tenga ang mahinang kokak ng isang palaka.
No comments:
Post a Comment