Monday, January 13, 2020

Sa Math Lang Ako Magaling

Sa Math Lang Ako Magaling

Huwag na nating pag-usapan
Kung paanong naging parang
Linyang may negative slope
Ang damdamin ko para sa ‘yo
Nahulog, patihulog
Falling from left to right.
That’s right.
I fell really, really hard
Really, really fast.
But you left.
And all the while, akala ko
Parehas ang patutunguhan
Ng feelings ko at feelings mo
Pero ayun, feeler lang pala ako.

Huwag na natin itong pag-usapan
Kagaya nang hindi natin pinag-uusapan
Ang walong libong namatay
Na pinatay dahil nadamay sa digmaan
O nanlaban sa pulis, kabilang na
Yung may edad
Disinwebe Katorse Disisais.
Mga bagay na hindi natin
Pinag-uusapan dahil die-hard DDS ka
At sabi mo, die-hard Dilawan ako
Samantalang yung totoo
Eh sa ‘yo lang naman ako
Patay na patay nang todo-todo.

Siguro, in a parallel dimension
Magkakaroon ng pagkakataon
Yung intersection
Ng damdamin nating dalawa.
Siguro eh magkakaroon ako
Sa ‘yo ng halaga,
‘Yung sana naman ay mahigit
Sa isang libong pisong budget ng mga ahensya.

Ewan ko ba,
Ang point ko lang naman dito
Ay ito:
Huwag na nating pag-usapan
Ang lines na hindi coinciding
Sa plane na hindi cartesian
At space na hindi euclidean,
Kagaya nang hindi natin pinag-uusapan
Ang mga linyang iginuhit
Ng mga imbestigador sa kalsadang
Di hamak na mas magaspang
Sa graphing paper
Na nakasanayan na nating guhitan.

Huwag na nating pag-usapan ito
Dahil sa math lang ako magaling
Hindi sa feelings, o pag-amin,
O pagtatanggol sa paniniwalang
Walang buhay ang dapat
Walang habas na kinikitil
So unless pag-uusapan natin
Na ang nararamdaman ko para sa ‘yo
Kailanman ay hindi magiging equal
Sa nararamdaman mo para sa akin
Huwag mo na lang muna
Akong kakausapin
Dahil hindi naman ito tungkol sa math
At sa math lang ako magaling.

(The poem was published by The Kill List Chronicles here)

No comments:

Post a Comment